Thursday, March 24, 2011

Ibalik ang papuri’t parangal (Editoryal)

Ibalik ang papuri’t parangal

(Editoryal para sa pagtatapos)

Siguradong walang patid ang kasiyahan at abot tainga ang ngiti ng bawat mag-aaral ngayon ng Mababang Paaralan ng Laboratoryo na magtatapos. Ito ay yaong panahon ng ating pansamantalang paghinga sa mga obligasyon at aralin sa eskwela sa halos anim na taong binusbos sa pag-aaral. Ito ang pinakahihintay ng lahat ng mga mag-aaral- ang pagmamartsa sa entablado para sa pagtatapos.

Hindi maikakaila na kapag dumadating tayo sa puntong ito ay umaani ang bawat mag-aaral ng mga sertipiko at medalya bilang simbolo ng ipinakitang kahusayan sa iba’t ibang larangan. Halos ang iba nga ay mabali na ang leeg sa dami ng parangal na nakasabit sa ulo. Ito ang mga nagpapatunay ng pagpitas ng mga bunga ng paghihirap sa bawat pagsubok na linampasan sa pag-aaral.

Ngunit, sino kaya ang pasasalamatan sa bawat naaning karangalan ngayon na ating tinamo?

Sa ating mga karupukan na sumuong sa mga hamon, sino ang ating naging sandalan? Sa tuwing nagkakaroon tayo ng problema sa mga pangangailangan sa paaralan, sino ang ating naging unang takbuhan? Kapag mayroon tayong dapat malaman at matutunan, sino ang matiyagang gumabay? Sa kabila ng ating pagiging pasaway, suwail at pagiging basag-ulo, sino ang palaging nakakaintindi at umalalay? Kung mayroon tayong pagkukulang, sino ang handang pumuno sa mga kahinaan? Sa kabila ng pagkamit ng mga parangal sa mga paligsahang sinasalihan, sino ang naging susi para mabuksan ang isipan?

Lahat ng mga katunungang ito, masasagot lamang mismo sa ating mga sarili. Alam nating sa musmos at mura nating isipan ay mayroong nakagabay sa atin para sa pagtahak ng landas na ating tutunguhin.

Huwag sana tayo malasing sa mga tagumpay na natatamo o ang yaong walang pakiramdam sa taong humulma at humubog sa kung sino ngayon tayo. Sa kabila ng ating mga pagtatapos nandiyan sa ating mga likuran ang nagsakripsyo, naniwala, nagbigay pag-asa at nagtulak sa atin para maging mabuti at kapaki-pakinabang na nilalang sa lipunan. Sila ang ating mga magulang at ang ating mga guro. Sila ang mga bayaning nagtanggol para maabot natin ang tugatog ng tagumpay.

Kaya naman buong puso, isip at diwa nating ibalik sa kanila ang papuri at parangal. Dahil kung hindi sa mga guro’t magulang, hindi sana natin maaasam ang kasiyahan sa ating mga puso. Ibigay natin sa kanila ang pinakamatamis nating pasasalamat sa bawat araw na tayo ay kinalinga dahil ang tanging maigaganti lamang natin sa kanila ay ang pagtanaw na sa ating buhay na sila ay may malaking ginampanan.

Sa ating pagtatapos, huwag sana nating kalimutang magpasalamat sa ating mga guro at mga magulang na inialay ang kanilang buhay para tayo ay mahulma nang tama at marangal. Mabuhay ang ating mga magulang at guro. Alay naming sa inyo ang aming mga parangal.

1 comment:

  1. Hello,I am John. I have read your blog. I found it nice. Thank you for giving me idea in making a class prophecy. I was inspired and I assure you will be acknowledge.

    ReplyDelete